Duda ang mga anak ng overseas Filipino worker (OFW) na si Jenny Alvarado na aksidenteng nasawi ang kanilang ina sa coal suffocation sa pinagtatrabahuhan nito sa Kuwait.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Senate Migrant Workers committee, kinalampag ni Senador Raffy Tulfo ang Department of Foreign Affairs (DFA), Depatment of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kaugnay sa nangyari kay Alvarado.

"Imbestigahan natin DMW and OWWA and DFA 'yung anggulong foul play. Ayan na oh. Kinukulong, hinihipuan, 'di pinapakain nang maayos. 'Yun na lang, may motibo na. Siguro puwedeng ginawa ng amo para patahimikin na siya, walain na siya, walain ang problema kasi malaking problema ang darating," ayon kay Tulfo patungkol sa mga anak ni Alvarado na sina Nathania at Angel, na dumalo rin sa pagdinig.

Sinabi ni Angel na imposibleng hindi magising ang kaniyang ina sa amoy ng usok dahil sensitibo ang pang-amoy nito.

"Pinaka-hate po ni mama 'yung faham (charcoal) kasi may sensitive smell po siya. Magigising po 'yun sa baho ng amoy at hate niya rin po 'yung amoy ng mga isda. So imposible na hindi nagising ang mama namin that time," saad ni Angel Alvarado Calisin.

"Dapat po ang agency po ang nagsasabi sa amin na patay na ang mama namin pero actually po 'yung amo niya po ang nag-declare na patay na 'yung mama namin. Gamit pa po ng amo niya is 'yung cellphone ng mama ko at account ng mama ko," dagdag niya.

Sinabi rin ni Angel na may maayos na ventilation sa kuwarto ng kaniyang ina. Nakita rin umano niya ang ventilation sa kanilang virtual na pag-uusap.

Sinabi rin ni Angel na ikinukulong ng amo ang kaniyang ina sa kuwarto kapag umaalis ito ng bahay.

Pinapagalitan din umano ang kanilang ina ng kaniyang amo kapag kumakain ang OFW. Tinatakot din umano ang kanilang ina na hindi makukuha ang buong sahod kapag hindi bumalik ng Kuwait.

"Lagi po siyang kinokontrata kapag uuwi ng Pinas. Sasabihin po na kapag hindi ka bumalik dito, hindi ko ibibigay yung buong sahod mo," lahat pa ni Angel.

Sinabi naman ni Nathania sa komite na nakarating sa kanila ang impormasyon na hinihipuan ng amo ang kanilang ina.

"'Yung mga kaibigan niya po...sinasabi daw po ay 'yung amo niya is hinihipuan din siya kasi 'yung nanay namin ay hindi nagsasabi sa amin kasi ayaw niya iparamdam sa amin na nahihirapan siya doon," paliwanag niya.

"Naglilihim po 'yung nanay namin para hindi kami mag-alala tapos sa close friends niya, dun niya sinasabi," dagdag nito.

Dahil sa testimonya ng mga anak ng OFW at direktiba ni Tulfo, inatasan ng DFA ang Philippine Embassy sa Kuwait na makipagtulungan sa DMW upang alamin kung may foul play sa nangyari kay Alvarado.

"I just instructed Ambassador Jose Cabrera in Kuwait to work with the Migrant Workers now...to check with the police authorities for possibility of negligence or foul play," sabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega.

Sinabi rin ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na susuriin din nila ang mga pahayag nina Nathania at Angel, para sa kasong isasampa laban sa amo ni Alvarado.

"We will take the statements of the children in consideration lalo na 'yung sinasabing nakausap nila 'yung nanay nila and as I said, may isusulong po tayong kaso dun sa Kuwait laban sa employer," pahayag ni Cacdac sa komite. — mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News