Sinimulan na ang online voting para ng mga botanteng Pinoy na nasa ibang bansa, na unang pagkakataon na gagawin sa kasaysayan ng eleksyon sa Pilipinas.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News Unang Balita nitong Martes, sinabing sa pamamagitan ng online voting, maaari pa ring makaboto ang mga Pinoy na malayo sa mga embahada, o konsulado, o kahit nasa dagat, gaya ng mga seafarer basta nakapag-enroll sila sa online voting.

Tinatayang nasa 55,000 na rehistradong Pinoy sa abroad ang nakapag-enroll sa online voting.

Bukas na rin ang mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa iba't ibang bansa para sa pagboto ng mahigit 1 milyon nakarehistrong Pinoy overseas voters.

Maaaring bumoto ang mga Pinoy abroad hanggang 7 pm (oras sa Pilipinas) sa May 12.

Sa Hong Kong, iba't iba ang naging reaksyon sa pagboto ng mga overseas Filipino worker. Para sa iba, mas madali at komportable ang online voting dahil hindi na kailangang pumila.

Pero mayroon ding nahirapan sa online voting kaya pumunta na lang sa konsulado para doon bumoto.

Ayon sa OFW na si Eva Mancol, kabilang sa mga dahilan kaya nagiging mahirap ang online voting ay kung hindi hightech ang gamit na cellphone.

Dagdag ng isa pang OFW na si Gemma Laureya, "Kapag hindi compatible yung video streaming and at the same time kapag may problema po yung cellphone niyo sa signal."

Kinuwestiyon naman ng isang OFW sa social media post kung bakit hindi niya nakita ang listahan ng kaniyang mga ibinoto kahit gumamit siya ng QR code.

Paliwanag ni Comelec chairperson George Erwin Garcia, ganoon talaga ang proseso dahil encrypted ang pagboto online at machine readable codes lang ang makikita.

Hindi rin daw talaga ipakikita o ibibigay ang listahan ng mga ibinoto upang hindi ito magamit sa vote buying.

“’Pag sila ay bumoto...ipapakita sa kanila ang napili nila, ang mismong balota nila, at pagkatapos tatanungin sila if they want to cast the ballot. ‘Pag na-cast, automatically mawawala ang pinaka-balota at pagkatapos ‘yung sinasabi nila na pwede ma-verify ang QR code. ‘Pag pinindot nila ang QR code, ang lalabas dun hindi na pangalan ng mga kandidato na kanilang binoto, lalabas dyan ay machine-readable codes ng lahat ng kandidato,” paliwanag ni Garcia.

Gayunman, tiniyak ni Garcia na sapat ang security feature sa pagboto online.

Mayroon umanong random manual audit para maikumpara ang code sa na-print na isasalang sa audit.

“Sana mapagbigyan ng ilan ang ating internet voting…Sabi natin dapat walang maiiwan sa botohan. Wala dapat mad-disenfranchise na kababayan natin. Ito ang pagkakataon nating makaboto gamit lang ang internet. Siguradong makakaboto tayo so bakit hindi natin ibigay ang pagkakataon na ‘yun?” dagdag niya.

Maaaring bumoto ang mga Pinoy abroad ng 12 senador at isang partylist group. -- FRJ, GMA Integrated News