Hindi napigilan ng isang binatilyo na maiyak sa sorpresa ng kaniyang amang OFW, na umuwi para dumalo sa kaniyang moving up ceremony sa Bato, Camarines Sur.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa isang video na handa nang umakyat sa stage ang Junior High School completer na si Jhon Harvey Ralota kasama ang kaniyang ina.

Ngunit tila hindi handa ang binatilyo sa sorpresang plus one nila sa pagmartsa, nang umuwi pala ang kaniyang amang OFW sa Saudi Arabia na si Tatay Ronald.

Hanggang sa hindi na napigilang maiyak ni Ralota dahil kumpleto ang kanilang pamilya.

Labis ang kaniyang saya dahil 2022 pa huling umuwi ang kaniyang tatay at nakasama niya ito.

May mahigit 24 milyong views na ang video mula sa YouScooper na si Ali Casili. 

Sa video ng For You Page ng GMA Public Affairs, ikinuwento ni Tatay Ronald na sila lang ng kaniyang asawa na si Maricel ang nakakaalam na uuwi siya.

"Inisip ko talaga sa barangay na ko didiretso kasi kapag sa bahay malalaman nila umuwi na ako. Doon, hindi ko agad siya nakilala kasi andaming estudyante e pero nung nakita ko na siya sinabayan ko agad sa paglalakad," kuwento ni Ronald.

Inamin din niya na emosyonal na rin siya at halos maiyak na nang sabayan ang anak sa pag-martsa pero idinaan na lang niya sa pagtawa.

Pero hindi lang pala si Jhon Harvey ang moving-up nang sandaling iyon kundi ang isa pa niyang anak.

Mensahe ni Ronald sa kaniyang mga anak: "Ipagpatuloy lang nila kung anuman ang gusto nila, kung anuman ang mga pangarap nila nandito lang kaming magulang nila para suportahan ang lahat ng mga nais nilang maabot sa buhay. Basta lagi lang silang magpi-pray, ingat and mag-aral silang mabuti para sa kinabukasan nila." — Jamil Santos/VBL/FRJ, GMA Integrated News