May mga iniulat na nasawi at nasugatan nang araruhin ng isang sasakyan ang mga dumalo sa isang street festival ng mga Pinoy sa Vancouver, Canada, ayon sa pulisya doon.

"A number of people have been killed and multiple others are injured," saad sa post ng Vancouver Police sa X. "The driver is in custody."

Sa post sa X ni Vancouver mayor Ken Sim, sinabing ipinagdiriwang ng Filipino community ang Lapu Lapu Day.

Ang naturang kapistahan ay paggunita sa naturang Pinoy anti-colonial leader mula sa 16th century.

"Our thoughts are with all those affected and with Vancouver's Filipino community during this incredibly difficult time," ayon kay Sim.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente dakong 8:00 pm ng Sabado (0300 GMT Linggo) malapit sa East 41st Avenue at Fraser Street.

Sinabi ng festival security guard na si Jen Idaba-Castaneto sa isang local news site na Vancouver Is Awesome na "bodies everywhere" makaraan ang pananagasa.

"You don't know who to help, here or there. It's so shocking," saad niya.

Inihayag naman sa post sa X ni British Columbia Premier David Eby na "he was shocked & heartbroken" sa nangyari.

Sa ulat ng Reuters, sinabi ng isang saksi na may 15 tao siyang nakitang nakahandusay makaraang managasa ng mga tao ang isang itim na SUV.

Tinangka umano ng driver ng SUV na tumakas pero hinabol siya ng mga tao at nasukol hanggang sa dumating ang mga pulis.

"Our thoughts are with the victims and their families -- and Vancouver's Filipino community," mensahe ni Jagmeet Singh, lider ng left-wing New Democratic Party sa post niya sa X.

Nakatakdang idaos ang halalan sa Canada sa Lunes. -- FRJ, GMA Integrated News