Nagbabala sa publiko ang Philippine Consulate General sa Vancouver, Canada laban sa mga nagkukunwaring lumilikom ng pondo para sa mga biktima ng karumal-dumal na pananagasa sa mga dumalo sa Lapu-Lapu Day festival noong April 27, 2025.
Inihayag ng konsulado ang paalala matapos na makarating sa kanilang kaalaman na may mga tao na nagbuo ng GoFundMe pages para umano makalikom ng pondo para sa mga biktima.
"It has come to the Philippine Consulate General's attention that certain individuals have set up GoFundMe pages claiming to raise funds to support the victims of the Lapu-Lapu Day Incident, using a screencap of the Consulate's official message as a backdrop as part of its material on the said fundraising page," saad sa anunsiyo ng konsulado na naka-post sa kanilang Facebook page.
"The public is advised that the Philippine Consulate General HAS NOT CREATED ANY FUNDRAISING EFFORTS NOR HAS SANCTIONED ANY ENTITIES TO RAISE FUNDS ON BEHALF OF THE VICTIMS OF THE LAPU - LAPU DAY INCIDENT," dagdag nito.
Pinayuhan ng konsulado ang publiko na maging maingat at mapanuri upang hindi maging biktima ng mga taong nagsasamantala sa trahediyang nangyari sa Filipino Community sa British Columbia.
Samantala, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, na nais matiyak ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr., na maibibigay ang kailangan na tulong sa mga Pinoy na nabiktima sa nangyaring mananagasa ng salarin sa naturang kapistahan.
''Opo. Dahil ito po ay kapwa Filipino, minadali po kaagad na matulungan, ibigay po ang lahat ng maaaring maitulong, lahat ng koneksiyon sa mga Filipino na nadamay po dito sa trahedya po sa Vancouver,'' ayon kay Castro sa isang press briefing.
Umakyat na sa 11 tao ang nasawi sa naturang pag-atake. Kinasuhan naman ang naarestong suspek na si Kai-Ji Adam Lo, 30-anyos.
Inihayag din ng Department of Migrant Workers na nakahanda rin ang kagawaran na magkaloob ng tulong sa mga biktima ng naturang karahasan.-- FRJ, GMA Integrated News