Pinabalik na sa Pilipinas ang Pinoy nurse assistant na naunang dinakip at kinasuhan ng Ocean County Prosecutor’s Office sa New Jersey dahil sa umano'y pag-atake sa isang pasyente sa isang rehabilitation facility.
Kinumpirma ng Assistance to Nationals section sa Philippine Consulate sa New York na ipinadeport na si Denmark Francisco bunsod ng kautusan mula sa Immigration Court.
Noong nakaraang buwan, binisita ni Consul General Senen Mangalile si Francisco sa ICE Detention Center sa Massachusetts para alamin ang kaniyang kalagayan.
Ayon kay Vice Consul Roval Valdez, pinuno ng Assistance to Nationals section, nakipag-ugnayan ang konsulado sa Immigration and Customs Enforcement (ICE) para mapabilis ang repatriation ni Francisco.
Kapuwa akusado si Francisco ni Jovi Esperanza, na nauna nang boluntaryong nagpa-deport noong Pebrero dahil sa aggravated assault case na isinampa laban sa kanila noong October 2024.
Sa naturang insidente sa rehab facility, naging kritikal ang kalagayan ng 52-anyos na pasyente.
Iginiit ni Esperanza na self-defense ang nangyari, at ang pasyente ang unang umatake sa kanila nang pagsabihan nila dahil sa paninigarilyo sa loob ng rehabilitation facility.
Ilang linggong nadetine sina Francisco at Esperanza sa Ocean County Jail bago inilipat sa ICE nang suriin ang kanilang immigration status.
Ayon kay Philippine Ambassador Jose Manuel Romualdez, ilang mga Pinoy pa ang sumasailalim sa deportation proceedings sa U.S., kabilang ang isang guro na nakadetine sa Georgia na nahaharap sa kasong child pornography. — mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News

