Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Patricia Yvonne Caunan bilang bagong pinuno ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kapalit ni Arnell Ignacio.

Sa pahayag na inilabas ng DMW sa Facebook post nitong Biyernes, makikitang nanumpa si Caunan kay Secretary Hans Leo Cacdac.

"Taos-puso po akong nagpapasalamat sa tiwala at kumpiyansang ibinigay sa akin ng ating Pangulo, at siyempre, sa inyong patuloy na paggabay. Napakapalad ko po—dahil ang dalawang naging boss ko sa pamahalaan ay tunay na may integridad at malasakit sa mga OFW. Ako mismo ay naging saksi sa inyong pamumuno sa POEA at OWWA—ang puso ninyo ay nasa bawat manggagawang Pilipino sa ibang bansa,” ayon kay Caunan sa pahayag.

“Alam kong napakarami pa nating kailangang gawin. Naniniwala ako na kailangan natin ng isang OWWA, isang DMW, at isang gobyerno para sa OFW,” dagdag pa niya.

Nakasaad sa pahayag na may malalim na karanasan si Caunan sa international labor policy at matinding malasakit sa kapakanan ng mga overseas Filipino worker.

Bago ang pagkakatalaga bilang OWWA Administrator, si Caunan ang Undersecretary for Policy and International Cooperation ng DMW mula noong 2022.

Naging bahagi umano si Caunan sa pagsasara ng 15 bilateral labor agreements sa mga bansang Canada, Austria, Saudi Arabia, Qatar, Finland, Denmark, Singapore, Croatia, Slovenia, at Kuwait — na layong palakasin ang proteksyon sa mga OFW.

“She has been a trailblazer, that’s even an understatement. The frontier she has opened for bilateral and international cooperation has been amazing. She has the legal know how, the heart, the common sense, and the common touch, which is the most important,” saad ni Cacdac sa pahayag.

Samantala, walang ibinigay na dahilan kung bakit pinalitan si Ignacio, at wala pang pahayag ang huli tungkol sa naging pagbabago sa liderato ng OWWA. -- FRJ, GMA Integrated News