Sinabi ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Cacdac na hindi nagbitiw kung hindi inalis at pinalitan sa puwesto si dating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Arnell Ignacio dahil sa maanomalya umanong transaksyon na pinasok ng huli na umaabot sa P1.4 bilyon ang halaga.

Ayon kay Cacdac, pumasok umano si Ignacio sa P1.4-billion land acquisition deal nang walang pahintulot ng board ng OWWA.

“Former administrator Ignacio did not resign from office. He was removed and replaced on the count of loss of trust and confidence due to an anomalous P1.4 billion land acquisition deal that did not go through the OWWA Board of Trustees on at least six counts,” pahayag ni Cacdac sa GMA News Online nitong Biyernes.

Sa isang phone interview sa mga reporter, tumanggi munang magbigay ng pahayag si Ignacio. Magsasalita raw siya tungkol sa isyu sa proper forum.

Ayon kay Cacdac, nakasaad sa batas na dapat aprubado ng board ang mga katulad na transaksyon na pinasok ni Ignacio.

“He did not... inform the Board on at least six counts, on six matters, surrounding the P1.4 land acquisition deal,” ani Cacdac.

Ang naturang transaksyon ay tungkol umano sa accommodation ng mga overseas Filipino worker, na ayon kay Cacdac, ay hindi kailangan.

“Dapat kinonsulta muna niya ang OWWA Board doon pa lang kasi ako mismo, pagsasabihan ko siya na 'di kailangan ‘yun because the private sector can secure mga accommodation requirements kung mayroong kailangang i-billet na OFWs,” paliwanag ni Cacdac.

Sinabi pa ni Cacdac na pinasok ang naturang kasunduan noong September 2024.

“Pero ‘yung proyekto that spurred or brought on the land acquisition deal dates back to September 2023. Pinlano na nila noong September 2023, and then ‘yung land acquisition, deed of sale, absolute sale, September 2024,” dagdag niya.

Nang tanungin si Cacdac kung maaring makasuhan si Ignacio sa naturang kasunduan na pinasok, tumugon ng yes ang kalihim, at alam na umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang tungkol dito.

“I report it to the President and yes there will be corresponding case to be filed in the appropriate office or authority,” sabi ni Cacdac.

Nitong Biyernes, nanumpa kay Cacdac si DMW Undersecretary Patricia Caunan bilang kapalit ni Ignacio bilang pinuno ng OWWA. – mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ/VDV, GMA Integrated News