Isang lalaking banyaga ang pinigil ng mga awtoridad matapos umanong tangayin ang maleta ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa loob ng waiting area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Sa video ng GMA Integrated News, sinabing isang pasahero ang nakakita sa dayuhan habang dala nito ang maleta na hindi sa kaniya kaya isinumbong siya ng saksi sa mga awtoridad.
Sa imbestigasyon, nahirapang makipag-usap ang mga pulis sa banyaga na tinatayang nasa edad 20 hanggang 30 anyos. Hindi raw ito maayos magsalita ng Ingles at kadalasang gumagamit ng senyas.
Napag-alaman na isang OFW na papunta sa Kuwait, ang may-ari ng maleta na sandali niyang iniwan para bumili ng pagkain.
Laking pagtataka niya nang nawawala na ang maleta nang bumalik siya kaya kaagad siyang humingi ng tulong sa security.
Ininspeksyon din ng K-9 unit ang backpack ng dayuhan, ngunit wala namang nakuhang ilegal na bagay.
Sinabi ng dayuhan na galing umano siya sa United Kingdom.
Natutuwa naman ang OFW na naibalik ang kaniyang maleta. --FRJ, GMA Integrated News
