Ikinukonsidera ng Pilipinas na itaas ang alert level sa Israel at Iran bunga ng patuloy na pag-atake ng dalawang bansa sa isa't isa.
“We are considering the same, but in fact, we are already acting as if both countries were on Alert Level 3 or voluntary repatriation,” sabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega sa GMA News Online.
Ayon kay De Vega, inaalam ng pamahalaan ng Pilipinas ang kalagayan sa mga apektadong lugar at kaligtasan ng mga Pinoy bago sila magpasya tungkol sa alert level.
Sa ngayon, nakataas sa Level 2 ang alerto sa Israel na isinasagawa kapag may banta sa buhay, seguridad, at ari-arian ng mga Pinoy mula sa panloob at panlabas na banta, at kawalan ng katiyakan sa sitwasyon ng isang bansa.
Samantala, Alert Level 1 naman ang pinaiiral sa Iran, o pinag-iingat lang ang mga Pinoy kapag mayroong "valid signs of internal disturbance, instability, and/or external threat to the host country."
Nitong nakaraang Biyernes, naglunsad ng air strike ang Israel sa ilang lugar sa Iran na isa umanong "preemptive strike" para pigilan ang nasabing Islamic republic mula sa paggawa ng nuclear weapon.
Kasunod nito, gumanti naman ang Iran na nagpakawala ng daan-daang missiles at drones papunta sa Israel.
Una rito, sinabi ng DFA na may 26 na Pinoy ang inaasahang ililikas mula sa Israel sa weekend via border crossing sa Jordan. Suspendido sa ngayon ang flight operations dahil sa labanan.
Mayroon umanong 150 Pilipino ang nagpahayag ng kagustuhan na umalis muna sa Israel.
Inihayag din ng DFA na inaasikaso rin nila ang repatriation ng nasa 17 Pinoy na nais namang umalis ng Iran.— mula sa ulat ni Mariel Celine Serquina/FRJ, GMA Integrated News