Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang shipment na naglalaman ng ilegal na droga sa Manila International Container Port (MICP).

Nitong Huwebes, sinuri ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang naturang shipment na nakalagay sa apat na balikbayan box na naglalaman ng kabuuang 110.24 kilograms ng methamphetamine hydrochloride o shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng P749.63 milyon.

Ipinadala ang samples ng kargamento sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at nakumpirma na shabu ang laman ng mga kahon.

Ayon sa BOC, ipadadala sa PDEA ang mga nakumpiskang kargamento para ipagpatuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang mga nasa likod ng ilegal na droga.

“We will not allow criminal elements to exploit balikbayan privileges and tarnish the trust of our overseas Filipinos. This seizure underscores our commitment to protecting the country and its people,” saad ni Nepomuceno.

Nilang Lunes, dalawang Pinoy na mula sa Canada na magkasunod na dumating sa Pilipinas ang inaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na may makitang mga shabu sa kani-kanilang bagahe na aabot sa P300 milyon ang halaga.

Ayon sa awtoridad, may connecting flight sa Hong Kong ang mga suspek, at unang naaresto ang isang lalaki na may shabu sa bagahe na aabot sa 20 kilos ang bigat na nagkakahalaga ng P140 milyon.

Pagkaraan ng ilang oras, ang babaeng suspek naman ang dumating na nakitaan ng shabu sa bagahe na may timbang na 24.2 kg at nagkakahalaga ng P164.7 milyon.

Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may kaugnayan sa isa’t isa ang mga suspek dahil magkapareho umano ang balot sa mga nakumpiska sa kanilang ilegal na droga. – mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News