Nagreklamo ang ilang Filipino seafarer na naglayag ang sinasakyang mga barko sa US territorial waters, dahil sa mali umanong akusasyon na sangkot sila sa child pornography kaya ipina-deport. Ang isang tripolante, anak daw niya ang nakita sa kaniyang cellphone video na hinahalikan nila ng kaniyang asawa.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers, ikinuwento ni Earlson Jasmer Gamboa na tripolante sa M/V Carnival Sunshine, na nakahimpil ang barko nila sa Port of Norfolk sa Virginia, USA noong July, nang dumating ang mga tauhan ng US Customs and Border Protection na nagsabing magsasagawa ng electronic gadget inspection.
“Nung time na may dumating na isang lalaki na matangkad, armado din siya, ito ang move niya pagpasok niya…Dinirekta niya po ako na gusto niyang matapos kaagad ‘to, wala raw akong ibang gagawin kundi sagutin lahat ng itatanong niya. Kung magsinungaling daw ako, magbabayad ako ng 250,000 dollars at mako-convict ako ng up to 10 years,” ani Gamboa.
“Wala silang nakita [sa gallery]. Wala akong kahit anong klase ng pornography,” dagdag niya nang tanungin ng committee chair na si Raffy Tulfo kung may nakita sa kaniyang cellphone nang suriin ang kaniyang gamit.
Kahit walang nakitang child porn material sa kaniyang gamit, sinabi ni Gamboa na isinama siya sa mga Filipino seafarer na ipina-deport pagkaraan ng ilang linggo kahit walang ibinigay na paliwanag sa kanila.
Pinilit din umano silang pumirma sa isang dokumento.
Si Romeo Samonte, na tripolante mula sa M/V Vision of the Seas, inakusahan umano ng kalaswaan nang makita sa kaniyang cellphone na may hinahalikan siyang batang lalaki na anak niya.
“‘Yung 3-year-old son ko, kinukuwestiyon nila na bakit daw namin hinahalikan ng misis ko…may video [sa cellphone] ng anak ko…kini-kiss namin. Walang short ‘yung isa, bale tatlo po kasi ‘yun eh. But I never exploited, I never shared it,” paliwanag niya.
‘Walang due process’
Humingi si Tulfo ng tulong sa Department of Foreign Affairs (DFA) para malaman kung ano ang mga ebidensiya ng US Immigration laban sa mga Filipino seafarer na ginawang basehan para ipa-deport.
“Ito ‘yung nakakalungkot eh, pagdaong ng barko sa isang lugar…naharang sila, kinatok ‘yung kanilang mga pinto, pinagbintangan na meron silang child pornography materials sa kanilang cell phones. Sinasabi nila na wala naman talaga and then outright kinulong sila at dineport,” ani Tulfo.
Nangako naman si outgoing DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega, na makikipag-ugnayan siya sa US Immigration tungkol sa naturang usapin.
“Pina-follow up…hindi sumasagot ang immigration kasi walang criminal charge, basta deportation which is sovereignty daw nila. However, pangako namin ni bagong Usec, we will follow up,” sabi ni de Vega.
Ayon naman kay Migrant Workers Undersecretary Bernard Olalia, lumitaw sa isinagawang imbestigasyon ng Department of Migrant Workers (DMW), kasama ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), na mga tripolante ng passenger at cruise ships ang mga ipina-deport.
“There are 93, as of today, seafarers deported. Of these 93 seafarers deported, seven were deported prior to January 2025. After January 2025, 87 were deported under the present US administration,” ani Olalia.
“The [93 seafarers] were never arrested for having in possession of child pornographic materials. Wala po silang kaso. Wala pong kasong isinampa,” dagdag ng opisyal.
Bago ang taong 2025, iniulat ng opisyal ng DMW na may walong seafarer na nahuling may dalang mga child pornographic materials—apat sa kanila ang naaresto, dalawa ang ipina-deport, at patuloy na isinasagawa ang paglilitis sa dalawa pa.
Noong nakaraang buwan, naglabas ng babala ang Embahada ng Pilipinas sa Washington laban sa pagmamay-ari at pamamahagi ng child pornography sa Amerika sa gitna ng tumataas na insidente umano ng naturang usapin sa mga barkong nasa karagatan ng US.
Mula noong administrasyon ni dating US President Joe Biden, nagsagawa ang US Federal Bureau of Investigation at US Customs and Border Protection, ng sunod-sunod na pag-aresto sa mga empleyado ng cruise ship dahil sa umano’y pagkakasangkot sa child pornography. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News
