Nais ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na gawing permananteng tanggapan ang 24/7 call center operations pero kakailanganin nila ang dagdag na mga tauhan para dito sa 2026.

Sa pagdinig ng House committee on appropriations para sa hinihinging pondo ng OWWA sa 2026, sinabi ni Administrator Patricia Yvonne Caunan, na hindi permanenteng tanggapan sa ngayon ang 24/7 call center na mayroon lang 30 tauhan na puro job order.

“Sa 24/7 [operations] center, meron lang po tayong 30 na tao, [at] 29 po dito job order [contractual], [at] 24/7 po ang shifting nila. Humingi na po kami ng tulong at suporta sa Department of Budget and Management para humingi ng additional 98 [tao] at gawin na pong kongkreto at gawing permanenteng opisina yung 24/7 natin na [operations] center,” ayon sa opisyal.

Sabi pa ni Caunan, na mahigit 79,000 kaso ang hinawakan ng opisina noong 2024, mahigit 42,000 naman ngayon 2025.

Humiling niya ang mas maayos na kagamitan at karagdagang tauhan upang mapanatili ang operasyon nito.

“We feel [that] with additional budget and prioritization, we can improve our response rate. Talaga pong makakatulong in terms of personnel and in terms of resources…. Talagang may puso at willingness ang both DMW at OWWA tumulong… With additional personnel, we expect efficiency, we expect speed in responding to the concerns of our OFWs,” paliwanag niya.

Humiling din si Caunan ng dagdag na pondo para sa OFW lounges dahil hindi umano sapat ang kasalukuyang P142 milyon sa Alagang OWWA fund sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP) upang matustusan ang gastos para sa naturang pahingahan ng mga OFW.

“Unfortunately, yung nasa NEP na P142 million, kahit isa po ‘di po namin mako-continue at the level of service that we are giving our OFWs,” saad niya.

“It's not enough just to sustain our existing facilities including the OFW lounges both in Terminals 1 and 3 na over 1.5 million na po ang nasa-serve. Mr. Chair, ito pong seafarers hub, pinilot [din] po ito last year… Wala pong allotment ito. They are part of the Alagang OWWA program po to provide comprehensive welfare, legal, educational support services including health and addressing the needs of our seafarers in the major crew change ports, Mr Chair,” dagdag niya.

Hiniling din ni Caunan ang ibalik o dagdagan ang emergency repatriation fund ng OWWA, ang pondo na mas mabuti kung hindi raw magagamit.

“Siyempre, hindi ito magagamit kung walang masamang nangyayari katulad ng kalamidad, digmaan at kung ano pa pa pong emergency na hinaharap ng ating mga kababayan. Ito po ay hinahanda just in case may mangyari. Looking at the situation globally, marami pong puwedeng mangyari at may nangyayari nga po as we speak,” patuloy niya.

“Pag tinatanong na ‘di nagamit yung ERF, somehow maganda yung feeling kasi ibig sabihin we didn’t need to touch the emergency repatriation fund. In a way, the non-utlization is being used against us when it comes to adding or requesting for additional funding for programs that are not contingent like the Alagang OWWA… As I mentioned earlier, Mr. Chair, kailangan po namin ng additional funding,” dagdag ng opisyal.

Batay sa 2026 NEP, may nakalaan na kabuuang P3.485 bilyong pondo para sa OWWA. – mula sa ulat ni Jiselle Anne Casucian/FRJ GMA Integrated News