Nagbabala ang Philippine Consulate General sa Hong Kong sa mga overseas Filipino workers (OFWs) doon na maging alerto laban sa mga scam message na nag-aalok ng pekeng tulong na umano’y mula sa pamahalaan ng naturang teritoryo ng China.
Ayon sa ulat ni Mao dela Cruz sa Super Radyo dzBB nitong Linggo, ang mga scam message ay ipinapadala sa pamamagitan ng WhatsApp, Viber, at Facebook, at nag-aalok ng libreng groceries na nagkakahalaga ng HK$5,000, free eye checkup, at free eyeglasses.
Inihayag ng konsulado, na ginagamit ng mga scammer ang personal na impormasyon na ibinibigay ng mga biktima upang makabuo ng mga pekeng account o stooge accounts na maaaring gamitin sa money laundering at iba pang uri ng krimen.
"Hinihikayat ang lahat na maging maingat at mapanuri dahil ang mga scammers ay maaaring mag-alok ng mga magaganda at diumano'y libreng handog at pabuya para mahikayat ang mga biktima na ibigay ang mga personal na impormasyon na kanila namang gagamitin sa pagbukas ng stooge accounts para sa money laundering at iba pang krimen. Kaya po laging maging mapagmatyag at mapanuri sa mga random na mensaheng natatanggap online," saad sa isang abiso na naka-post sa Facebook.
Ang mga nakatanggap ng naturang mensahe ay maaaring mag-report sa Anti-Deception Coordination Centre ng Hong Kong Police Force sa pamamagitan ng kanilang Anti-Scam Helpline: 18222.
Maaari din na humingi ng tulong ang mga Pilipino mula sa Philippine Consulate General sa Hong Kong sa pamamagitan ng pag-email sa Assistance-To-Nationals Section sa: atn.hkpcg@gmail.com. —FRJ GMA Integrated News
