Binuksan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ngayong Biyernes ang programang Alagang OWWA Botika, na nagkakaloob ng libreng gamot para sa mga overseas Filipino worker (OFWs) at sa kanilang mga pamilya.

Pinangunahan ni OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan, ang pagbubukas ng naturang botika sa OWWA sa Center Building, F.B. Harrison St., Pasay City.

Ayon sa opisyal, maaaring makakuha ang bawat OFW ng hanggang P20,000 halaga ng libreng gamot kada taon. Aabot naman sa 75 uri ng gamot ang maaaring makuha ng mga OFW at kanilang pamilya nang libre, gaya ng mga pang-maintenance na gamot.

Mayroon ding YAKAP Day sa OWWA tuwing Biyernes na mula 8:00 am hanggang 5:00 pm para magbigay sa libreng medical consultations mula sa mga YAKAP-accredited na doctors.

Ang mga gamot na ilalagay sa reseta na ibibigay ng mga duktor ay maaaring makuha sa Alagang OWWA Botika na bukas naman ng mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 8:00 am hanggang 5:00 pm.

Sa pahayag ng OWWA, sinabing ang naturang programa ay nakalaan para sa lahat ng aktibo at hindi na aktibong OWWA members, maging sa mga nagretiro o nag-for good, basta may PhilHealth number.

“Ang inisyatibang ito ay isang makabagong hakbang upang maghatid ng integrated healthcare service para sa mga OFWs—mula sa libreng konsultasyon, pagkuha ng reseta, hanggang sa aktwal na pagkuha ng libreng gamot sa ating bagong bukas na botika,” saad sa pahayag.-- FRJ GMA Integrated News