Nagkasundo ang Pilipinas at Croatia sa layunin na isulong ang kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho sa naturang bansa sa Europa.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), nagtutulungan ang dalawang bansa sa posibleng pagpapadala ng mga healthcare workers. Kasama rin sa napagkasunduan ang pagpapasimple sa proseso sa pagkuha ng work permits at residence cards upang mapabilis ang paggalaw ng mga manggagawa, at palakasin ang kooperasyon sa Pre-Departure at Post-Arrival Orientation Seminars (PDOS at PAOS).
Kasama rin sa kasunduan ang pagbutihin ang koordinasyon upang matiyak na may maayos na dokumento at proteksyon ang mga manggagawang papasok ng Croatia sa pamamagitan ng third countries.
Nagbukas din ang Croatia ng 435 na trabaho sa sektor ng hospitality sa ilalim ng pilot government-to-government hiring program.
Nilagdaan ni Migrant Workers Undersecretary Jainal Rasul Jr. ang kasunduan sa ngalan ng DMW, habang si State Secretary Ivan Vidis naman ang kumatawan sa Croatia.
Ginanap ang pirmahan sa main office ng DMW sa Mandaluyong City, kasabay ng pagdiriwang ng Philippines–Croatia Friendship Week.
"To our partners from the Croatian government and employment sector, thank you for your trust in the Filipino workforce and for upholding fair and transparent hiring practices under our bilateral agreement," ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac.
Sa kasalukuyan, may tinatayang 12,000 Pilipinong nagtatrabaho sa mga industriya tulad ng hospitality, construction, at services sa Croatia, Slovenia, at Slovakia, ayon sa DMW. —FRJ GMA Integrated News

