Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakikipag-ugnayan sila sa local authorities sa Hong Kong kaugnay sa ginagawang sa paghahanap sa dalawang nawawalang Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sa isang pahayag nitong Miyerkoles, sinabi ng DMW na nakikipag-ugnayan sila sa Philippine Consulate General, Hong Kong Police Force, at Hong Kong Immigration Department kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon at paghahanap kina Imee Mahilum Pabuaya, 23-anyos, at Aleli Perez Tibay, 33-anyos.

Nakahanda rin umano ang kagawaran sa pagbibigay ng posibleng legal, medical, emergency o financial support para sa mga pamilya ng nawawalang OFWs.

“Patuloy ang aming pakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad upang matiyak ang kanilang kaligtasan at agarang pagkakatagpo sa kanila,” saad sa pahayag.

Umapela rin ang kagawaran ng tulong sa sino mang may impormasyon na makapagtuturo sa kinaroroonan ng dalawang hinahanap na OFW.

“Sa gitna ng pangambang ito, pinanghahawakan natin ang pag-asa. Hindi kayo nag-iisa. Kaisa ninyo ang buong DMW, pamahalaan, at sambayanang Pilipino sa panalangin at pagkilos para sa ligtas na pagbabalik nina Imee at Aleli,” dagdag nito sa pahayag.

Batay sa mga naunang ulat, sinabing huling nakita sina Pabuaya at Tibay sa Tsuen Wan District noong October 4.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabi ni Cacdac, na nagreport kaagad ang amo ng dalawa nang hindi na sila bumalik matapos ang kanilang day-off.

Bago mawala, nakausap pa umano ng kani-kanilang pamilya ang dalawa na maaari umanong maging lead ng mga awtoridad para mahanap ang dalawa.— mula sa ulat ni Jiselle Anne C. Casucian/FRJGMA Integrated News