Sinabi ng isang mataas na opisyal ng Amerika na binawi ng administrasyong Trump ang nasa 80,000 na non-immigrant visa mula nang maupo sa puwesto si President Donald Trump noong Enero 20. Ang mga inalisan umano ng visa ay mula sa paglabag sa pagmamaneho nang lasing hanggang sa pananakit, at pagnanakaw.
Ang mga pagbawi ng visa, na unang iniulat ng Washington Examiner, ay nagpapakita umano ng matinding paghihigpit sa imigrasyon na sinimulan ni Trump mula nang maupo sa puwesto. Kabilang dito ang maramihang pagpapa-deport ng mga migrante na walang kaukulang dokumento at balidong visa.
Nagpatupad din ang administrasyon ng mas mahigpit na mga patakaran sa pagbibigay ng visa. Kabilang dito ang masusing beripikasyon ng social media at pinalawak na screening process.
Ayon sa opisyal nitong Miyerkules, may kaugnayan ang 16,000 sa mga binawing visa sa mga kaso ng pagmamaneho nang lasing, 12,000 naman ang dahil sa pananakit, at 8,000 ang dahil sa pagnanakaw.
"These three crimes accounted for almost half of revocations this year," saad ng senior State Department official, na tumangging pabanggit ng pangalan.
Noong Agosto, sinabi ng isang tagapagsalita ng US na mahigit 6,000 student visa ang binawi dahil sa paglabag sa batas, o labis na pananatili sa US. Kasama rin ang maliit na bilang na iniuugnay sa pagsuporta umano sa terorismo.
Sinabi rin ng opisyal noong nakaraang buwan na binawi nito ang mga visa ng hindi bababa sa anim na tao dahil sa mga komento sa social media tungkol sa pagpatay sa konserbatibong aktibista na si Charlie Kirk.
Noong Mayo, inihayag ni US Secretary of State Marco Rubio na binawi niya ang mga visa ng daan-daan, o marahil ay libo-libong migrante, kabilang ang sa ilang mga estudyante. Dahil umano ito sa pakikilahok sa mga aktibidad na taliwas sa US foreign policy. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News
