Nakatakda nang palayain ang siyam na Pinoy crew ng M/V Eternity C na binihag ng Houthi noong Hulyo 7 sa Red Sea, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabi ni DFA Secretary Maria Theresa Lazaro na tinulungan sila ng Sultanate of Oman upang mapalaya ang mga Pinoy.

Nakatakdang dalhin ang mga Pinoy mula sa Yemen papunta sa Muscat, Oman.

Naghahanda ang mga taga-gobyerno ng Pilipinas sa Muscat upang mapauwi ang mga Pinoy.

Walo pang Pinoy crew ng M/V Eternity C ang nakauwi na noong Hulyo.

Sinabi ng Department of Migrant Workers na tatlong tripulanteng Pinoy ang pumanaw sa pag-atake at isa ang nawala. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News