Isang Pinay nurse ang nasawi matapos siyang masalpok ng isang sasakyan sa labas ng pinapasukan niyang Sacramento VA Medical Center sa California, USA.

Kinilala ng Sacramento County Sheriff’s Office ang biktima na si Novyrose Mejia. Nangyari ang trahediya noong December 13, 2025.

Ayon sa Sheriff’s Office, dahil sa pagkakabangga, tumilapon si Mejia at tumama ang ulo sa semento. Kaagad siyang dinala VA Medical Center’s emergency room bago inilipat sa UC Davis Medical Center.

Matapos ang tatlong araw na pagkakaratay sa ospital, binawian siya ng buhay dahil sa tindi ng tinamo niyang sugat.

Naulila ni Mejia ang kaniyang asawa at dalawang anak.

Patuloy pa umano ang umbestigasyon ng Rancho Cordova Police Department at Sacramento County Sheriff’s Office sa nangyaring insidente. Wala pang inaanunsyo ang mga awtoridad kung may nasampahan ng kaso.

Nag-aral sa University of Baguio si Mejia bago siya lumipat sa Amerika.

Isang GoFundMe page ang ginawa ng pamilya ni Mejia upang matustusan ang kaniyang naging gastusin sa ospital at pagpapalibing.— Dave Llavanes Jr./FRJ GMA Integrated News