Ikinatuwa ng Department of Foreign Affairs ang resulta ng imbestigasyon ng Australia na hindi nagsanay o nakatanggap ng anumang suporta habang nasa Pilipinas ang mag-amang namaril sa Bondi Beach noong Disyembre 14 na ikinasawi ng 15 katao. Ang mag-ama, natuklasan na nagbakasyon sa Davao bago nangyari ang pamamaril.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng DFA na binigyang-pansin nito ang sinabi ni Australian Federal Police Commissioner Krissy Barrett sa isang press conference na kapareho ng paunang pagsusuri ng Philippine National Police na, “there is no evidence to suggest they received training or underwent logistical preparation for their alleged attack” habang nasa Pilipinas ang mag-amang suspek mula Nobyembre 1 hanggang 29, 2025.

Inihayag din ni Barret na, “there is no evidence to suggest these alleged offenders were part of a broader terrorist cell or were directed by others to carry out an attack,” bagaman patuloy pa rin umano ang kanilang imbestigasyon.

Nauna nang sinabi ng mga opisyal ng Philippine Immigration na sabay na dumating sa Pilipinas noong Nobyembre 1, 2025 mula Sydney, Australia ang amang suspek na si Sajid Akram, 50-anyos, isang Indian national at residente ng Australia, at ang anak niya na si Naveed Akram, 24, isang Australian national.

Iniulat na sa Davao ang naging huling destinasyon ng mag-ama.

Umalis sila ng Pilipinas noong November 29 sa connecting flight na mula Davao to Manila, patungo sa Sydney sa Australia.

Natigmak ng dugo ang Jewish holiday celebration sa Bondi Beach noong Disyembre 14 nang basta na lamang asintahin ng mag-ama ang mga tao sa lugar.

Nadakip ang isa sa kanila, at napatay naman ng mga awtoridad ang isa pa.

Sa parehong press conference, ipinahayag ni Australian Prime Minister Anthony Albanese ang kanyang pasasalamat sa kooperasyong ibinigay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas ng Pilipinas kaugnay sa isinagawa nilang imbestigasyon.

“I also want to take the opportunity to thank… President Marcos, my friend, the President of the Philippines as well. Through him, the agencies in the Philippines have done everything they can to provide information in a timely way, and that's a good thing," ani Albanese.

Kinilala rin ni Barrett ang mabilis at epektibong umanong tulong na ibinigay ng mga awtoridad ng Pilipinas, at sinabing “without their swift response, much of the CCTV footage that is now under review by our investigators would not have been available."

Inihayag naman ni Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro na nananatiling committed ang Pilipinas sa paglaban sa terorismo, pagpigil sa violent extremism, at pagpapatibay ng mas ibayong kooperasyon sa intelligence at law enforcement sa Australia at iba pang mga foreign partner.

"The Philippines and Australia will continue to jointly address transnational security threats, including terrorism, through sustained information sharing, operational coordination, and capacity-building initiatives," dagdag ni Lazaro sa pahayag. — Michaela del Callar/FRJ GMA Integrated News