Nagbabala ang Embahada ng Pilipinas sa Washington, DC sa mga gurong Pilipino na nais magtrabaho sa Amerika, na maging mapagmatyag at maingat sa pagsusuri sa uri ng US visa na kanilang inaaplayan para hindi maloko ng mga illegal recruiter.
Naglabas ng abiso ang embahada kasunod ng mga ulat hinggil sa mga recruiter na humihingi ng malaking halaga ng pera kapalit ng pangakong permanent residency o US citizenship sa pamamagitan ng Exchange Visitor Program o J-1 visa, na hindi umano daan para sa permanent residency.
"Filipino teachers are reminded that participation in the program does not lead to US permanent residency or citizenship," paalala ng embahada, kasabay ng kaugnay sa kondisyon ng program:
- Ang mga gurong may J-1 visa ay kinakailangang bumalik sa Pilipinas matapos makumpleto ang programa
- Saklaw ang mga gurong Pilipino ng two-year home-country physical presence requirement. Ayon sa embahada, ang waiver sa kondisyong ito ay “difficult to obtain, not guaranteed, and requires exceptional hardship or highly meritorious circumstances."
- Ang pananatili sa US na lampas sa itinakdang panahon ay isang seryosong paglabag sa batas ng imigrasyon ng US at maaaring magresulta sa deportasyon at pangmatagalang pagbabawal sa muling pagpasok sa bansa
Ayon sa abiso ng embahada, nakatanggap sila ng mga ulat hinggil sa mga illegal recruiter na nagpapanggap din bilang mga immigration lawyer.
Bukod sa paniningil ng malaking halaga at pagbibigay ng maling pangako ng US residency sa pamamagitan ng J-1 program, sinabi ng embahada na hinihikayat din ng mga taong ito ang mga guro na mag-overstay, maling gamitin ang kanilang visa, o maghain ng asylum claims upang manatili sa Amerika.
Ayon kay Rena Pedaria, pangulo ng Association of Fil-Am Teachers of America (AFTA), marami umanong guro ang lumalapit sa kanilang organisasyon upang humingi ng tulong sa pagkuha ng waiver para mapahaba ang kanilang pananatili sa US.
Gayunman, sinabi niyang wala pang waiver na naaprubahan para sa mga guro.
Mayroon ding ilang guro na nagreklamo tungkol sa mataas na bayaring sinisingil ng mga recruitment agency sa Pilipinas.
Pinapayuhan ng AFTA ang mga nagnanais magturo sa US na lubos na unawain ang mga patakaran at kundisyon ng J-1 visa bago magpasya na mag-apply.
"AFTA strongly cautions teachers against illegal recruiters, unscrupulous agents, and individuals who falsely promise immigration benefits, charge excessive fees, or encourage visa misuse or overstaying," ani Pedaria.
"We urge all J-1 teachers and applicants to participate in the program with full awareness of its purpose and limitations, and to seek guidance only from qualified US immigration attorneys when considering long-term immigration options. AFTA stands with the Embassy in protecting the welfare, integrity, and future of Filipino educators," sabi pa niya sa GMA Integrated News.
Idinagdag pa ni Pedaria na kailangang sundin nang mabuti ng mga guro ang mga alituntunin at regulasyon ng Exchange Visitor Program.
"Filipino teachers are expected to comply with all program requirements, including the two-year home-country physical presence rule and the obligation to return to the Philippines after completing the program," ani Pedaria.
Pinayuhan din ng Embahada ng Pilipinas sa Washington, DC ang mga gurong Pilipino na kumonsulta sa mga kuwalipikadong US immigration lawyer upang maiwasan ang posibleng problema kaugnay ng kanilang mga visa.
Noong nakaraang Disyembre, nagpatupad ang US Citizenship and Immigration Services ng pinalawak na mga rekisito para sa mga non-immigrant visa applicant, kung saan sinusuri na rin ang kanilang mga social media account.
Ayon sa ilang US employment agency, magdudulot ang bagong polisiya ng pagkaantala sa pagproseso sa aplikasyon ng libo-libong gurong Pilipino para sa kanilang US visa. Mula sa dating 8 hanggang 12 buwan na pagproseso, maaari na itong tumagal ng 14 hanggang 16 na buwan. — Dave Llavanes Jr./FRJ GMA Integrated News
