Nakikipag-ugnayan na ang mga opisyal ng Pilipinas sa gobyerno ng Vietnam para iberipika ang mga intelligence report na nagsasabing naroon si Atong Ang, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Martes.

“Si Atong Ang ang latest balita namin nasa Vietnam,” sabi ni Remulla sa Super Radyo dzBB sa isang panayam.

“Gumagawa kami ng diplomatic efforts para kausapin 'yung counterparts namin doon para tignan 'yung immigration record nila kung nandoon talaga,” pagpapatuloy niya.

Ayon kay Remulla, may extradition treaty ang Pilipinas sa Vietnam.

“Kausap na nila Chief PNP ang mga counterparts nila so malalaman natin ang resulta,” sabi niya.

Sinabi pa ng hepe ng DILG na posibleng umalis si Ang sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga lihim na daanan o “backdoor” sa Mindanao papunta sa Malaysia, ilang linggo bago ang pag-isyu ng arrest warrants.

“I think sa backdoor siya dumaan noong i-a-announce na aarestuhin na siya. Doon siya sa Mindanao papuntang Malaysia. Tapos umabot siyang Vietnam. Mga two weeks before nakaalis na via backdoor,” sabi ni Remulla.

Naglabas na ng mga warrant of arrest laban kay Ang at sa iba pa, na nag-ugat sa maraming bilang ng kidnapping with homicide at kidnapping at serious illegal detention kaugnay ng kaso ng nawawalang mga sabungero.

Itinanggi ni Ang ang mga paratang laban sa kaniya.

Nauna nang hiniling ng mga awtoridad ng Pilipinas ang pag-isyu ng Interpol red notice laban kay Ang.

Ayon sa Interpol, ang red notice ay isang kahilingan sa mga tagapagpatupad ng batas sa buong mundo na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang tao habang nakabinbin ang extradition, pagsuko, o kagayang legal na aksiyon.

Ang mga indibidwal ay hinahanap ng humihiling na miyembrong bansa, o internasyonal na tribunal. Nagpapatupad ang mga miyembrong bansa ng kanilang sariling mga batas sa pagpapasya kung aarestuhin ang isang tao.

Halagang P20 milyon ang gantimpala para sa impormasyong hahantong sa pag-aresto kay Ang. —VBL GMA News