Inihayag ng Department of Education (DepEd) ang opisyal na kalendaryo sa mga pampublikong paaralan para School Year 2026–2027, na magsimula sa Hunyo 8, 2026, at magtapos sa Abril 8, 2027.
Kasabay nito ang pagpapatupad ng three-term structure sa basic education na bahagi ng mga repormang ipatutupad para paghusayin ang pagtuturo at matugunan ang learning gaps sa mga mag-aaral.
Sa ilalim ng plano, tatagal ang school year sa loob ng 201 araw ng klase, at hahatiin sa tatlong termino, na binubuo ng opening period, instructional phase, at end-of-term activities.
Magsisimula ang unang termino sa mga paunang gawain ng paaralan mula Hunyo 8 hanggang 11, na susundan ng regular na klase simula Hunyo 15 hanggang unang bahagi ng Setyembre, at magtatapos sa mga pagsusulit, at kaugnay na mga gawain sa kalagitnaan ng Setyembre.
Ang ikalawang termino ay mula sa kalagitnaan ng Setyembre hanggang unang bahagi ng Disyembre, at isasagawa ang mga gawain sa pagtatapos ng termino bago ang holiday break.
Magbabalik ang klase sa Enero 2027 para sa ikatlong termino, na tatagal hanggang huling bahagi ng Marso. Susundan ito ng pinal na pagsusulit at closing activities sa unang bahagi ng Abril 2027.
Ayon sa DepEd, layunin ng binagong istruktura ng school year na mas pantay na maipamahagi ang mga panahon ng pagkatuto sa buong taon ng paaralan habang naglalaan ng oras para sa assessment at recovery.
Idinagdag ng kagawaran na ang tatlong terminong kalendaryo ay bahagi ng mas malawak na pakete ng reporma na kinabibilangan ng mga pagbabago sa assessment systems, mas pinasimpleng pagpaplano ng aralin, at expanded learning recovery tulad ng Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL program.
Ayon sa mga opisyal, layon sa paraang ito na suportahan ang tuloy-tuloy na pagkatuto, mabawasan ang pagkaantala, at matulungan ang mga guro na mas maayos na mapamahalaan ang kanilang oras sa pagtuturo.
Ipapatupad ang bagong kalendaryo ng paaralan sa buong bansa sa mga pampublikong paaralan simula School Year 2026–2027.
Ayon sa DepEd, maaaring gamitin ng mga pribadong paaralan ang three-term structure, pero dapat na sundin nila ang itinakdang bilang ng mga araw ng klase.—Sherylin Untalan/FRJ GMA News

