Isang 34-anyos na mekaniko ang namatay matapos maipit sa ilalim ng isang sasakyang kaniyang kinukumpuni malapit sa isang terminal ng bus sa Barangay Lapasan, Cagayan de Oro City nitong Huwebes, Hunyo 18, 2026.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao, inihayag ng isang saksi na nakita niya ang biktima na inaayos ang sasakyan dakong 6:00 am. Kalaunan, nalaman na lang niyang namatay ang biktima dahil naipit sa ilalim ng kotse.

Wala namang nakikitang foul play ang mga awtoridad sa sinapit ng mekaniko.

Lumalabas sa imbestigasyon na bumigay ang scissor jack na ginagamit ng biktima, na dahilan upang bumagsak sa kaniya ang sasakyan habang nasa ilalim.

Nagtamo ang mekaniko ng matinding pinsala sa ulo na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Ayon kay Police Station 3 Deputy Commander Police Lt. Jose Fajardo III, maaaring hindi kinaya ng jack ang bigat ng sasakyan kaya ito bumigay. Masyado rin umanong mababa ang kotse na isang sports car.

Inihayag naman ng kapatid na matagal nang mekaniko ang biktima kaya hindi niya inasahan na mangyayari ang naturang sakuna sa kaniyang kapatid.

Posible umanong ilagay muna ng mga awtoridad sa kanilang kustodiya ng sasakyan habang nakatakdang magpulong ang pamilya ng biktima at ang may-ari ng kotse. – FRJ GMA News