Tuwing Hunyo ng taon lumilitaw ang mga bahaghari-- mula sa mga watawat hanggang sa makukulay na mga damit-- para ipagdiriwang ang Pride Month.
Nitong Hunyo 11, nagdaos ang gobyerno ng Quezon City ng isang graduation ceremony kung saan malayang nagmartsa ang mga kalahok mula sa LGBTQIA+ sa entablado bilang kanilang mga tunay na sarili.
Bago nito, hindi sila pinahintulutan ng kanilang mga sariling paaralan na ipahayag ang kanilang kasarian.
Nito namang Hunyo 13, ikinasal ang mga magkasintahang LGBTQIA+ sa isang seremonya ng Holy Union Rights ng LGBTS Christian Church.
Bakit nga ba ginaganap ang Pride Month tuwing Hunyo?
Nagsimula ang lahat noong Hunyo 28, 1969 nang sumiklab ang Stonewall Riots sa New York City. Matapos ang marahas na pagsalakay ng mga awtoridad sa Stonewall Inn, isang gay bar, nagsama-sama ang lokal na komunidad ng LGBTQIA+ at buong tapang na lumaban sa patuloy na diskriminasyon at pang-aabuso na kanilang nararanasan.
Ginanap ang unang Pride March sa New York City noong 1970, sa unang anibersaryo ng Stonewall, ayon sa Library of Congress.
Ang makasaysayang pangyayaring ito ang nagpasimula ng mga Pride protest at pagdiriwang sa buong mundo.
Ang Pilipinas ang unang bansa sa Asya na nagdaos ng Pride march tuwing Hunyo.
Noong 1992, isa sa pinakamahalagang kaganapan sa kasaysayan ng Pride nang sumali ang Lesbian Collective sa mga protesta para sa International Women’s Day, ayon sa University of the Philippines.
Sa parehong taon, itinatag ang UP Babaylan, na siyang unang organisasyon ng mga estudyanteng LGBTQIA+ sa bansa.
Matapos nito Hunyo 26, 1994 nang 50 katao ang lumahok sa Stonewall Manila, kung saan nagmartsa sila mula EDSA corner Quezon Avenue hanggang Quezon Memorial Circle. Pinangunahan ito ng Progressive Organization of Gays in the Philippines at ng Metropolitan Community Church upang ipagdiwang ang ika-25 anibersaryo ng Stonewall Riots.
Ayon sa Love Yourself, ito ang unang LGBTQIA+ Pride March sa Pilipinas at sa Asya.
Hindi lamang ipinaglalaban ng mga Queer at mga kaalyado ang pantay na karapatan tuwing Pride March, kundi paraan din upang iprotesta ang mga isyung pang-ekonomiya noong panahong iyon, gaya ng mas mataas na presyo ng langis at ang pagpasa ng Value Added Tax o VAT.
Sinundan ito ng Pride March noong 1996 sa Metro Manila, at nagpatuloy hanggang sa kasalukuyan at kumalat sa buong bansa.
Ang lalim at bigat na ipinaglalaban ng mga queer ang dahilan kung bakit naging tradisyon ang pagdiriwang ng Pride Month tuwing Hunyo. Isang paraan ang protesta na ito para ipaglaban ang pantay na karapatang pantao, lalo na sa pagpasa ng SOGIE Equality Bill.
Naghahangad ang SOGIE Equality Bill ng pagkakapantay-pantay at proteksyon laban sa lahat ng uri ng diskriminasyon at karahasan batay sa oryentasyong seksuwal, pagkakakilanlan o pagpapahayag ng kasarian, o mga katangian ng kasarian (SOGIESC) ng isang tao.
Noong 2025, muling inihain ni Senador Risa Hontiveros ang panukalang batas sa ika-20 Kongreso, at isinama ito sa kaniyang nangungunang 10 prayoridad na panukalang batas.—Jamil Santos/FRJ GMA News
