Natunton ng mga awtoridad ang estudyante na nagpadala ng mga online threat sa isang paaralan sa Jaen, Nueva Ecija. Ang estudyante, isang babae at honor student.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing natunton ang Grade 8 student matapos ang isinagawang digital forensic examination ng mga awtoridad.
Ang ipinadalang mga banta, natunton sa account na pag-aari ng magulang ng estudyante.
Ayon kay Police Captain Michael Garcia, acting chief ng Jaen Police Station, inamin ng estudyante ang kaniyang ginawa sa harap ng kaniyang guardian, principal ng paaralan, at municipal social worker.
Nagawa umano ng bata ang pananakot dahil sa may pinagdadaanan itong personal na problema.
Isinailalim sa intervention ang estudyante at hindi na kakasuhan dahil sa pagiging menor de edad.
Napag-alaman na ulila na sa ama ang estudyante, at hindi inakala ng ina ang nagawa ng anak.
“Hindi ko sukat akalain na mangyayari ito kasi malayo ako sa kanila, kasi nagtatrabaho ako. Single parent ako,” paliwanag ng ina.
Nangako naman ang estudyante na hindi na uulitin ang kaniyang ginawa.
Nagbabala naman ang mga awtoridad sa ibang gagawa ng pananakot na maaari rin silang managot sa batas. – FRJ GMA News
