Apat na miyembro ng isang pamilya at isa pang bata ang nasawi nang matabunan ng gumuhong lupa at natumbang mga puno ang kanilang mga bahay sa Palawan dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing wala nang buhay nang makuha ng rescue team ang ina, at dalawa niyang anak na isang sanggol at isang dalawang taong gulang.
Nangyari ang trahediya nitong Lunes ng gabi sa Puerto Princesa City sa Palawan.
Naisugod naman sa ospital ang padre de pamilya ng pamilya pero pumanaw din pagkaraan ng ilang oras habang nilalapatan ng lunas.
Isang bata rin na kapitbahay ng mag-anak ang nasawi sa insidente.
Ayon sa rescue team, nahirapan sila sa pagkilos dahil masyadong makitid ang lugar at kinailangan nilang maging maingat dahil hindi nila batid ang eksaktong kinaroroonan ng mga biktima.
Nangyari ang landslide matapos ang halos walang tigil na pag-ulan mula noong Linggo ng hapon na dahilan para lumambot ang lupa.
Dati na raw sinabihan ng kapitan ng barangay ang mga residente sa lugar na umalis na dahil delikado ang kanilang kinaroroonan pero hindi raw sumunod ang mga ito.
Mahigit 20 pamilya naman ang inilikas at pinag-iisipan ng lokal na pamahalaan kung saan sila puwedeng ilipat ng tirahan.
Samantala, dalawa naman ang nasugatan sa magkasunod na landslide sa Banaue, Ifugao dahil din sa malalakas na pag-ulan.
Ang isang biktima, nakaligtas matapos natabunan ng gumuhong bahagi ng bundok habang nasa loob ng minamaneho niyang van.
Isang lalaki rin ang sugatan matapos matabunan ng landslide ang tatlong bahay sa lugar. -- FRJ, GMA News
