Sampu ang nasawi habang anim naman ang sugatan sa banggaan ng isang pampasaherong van at Elf truck sa Davao City nitong Miyerkules ng umaga.

Ayon sa ulat ni Raul Tolibas sa radio dzBB, sinabing nangyari ang insidente nang magsalpukan ang van ang kasalubong na truck pasado 7:00 a.m.

Sinasabing siyam ang agad na namatay sa sakuna, samantalang nagawa pang isugod sa Southern Philippine Medical Center ang isa pang biktima ngunit binawian din ng buhay.

Kritikal naman ang kalagayan ng apat sa mga sugatang biktima.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang pangyayari. — Jamil Joseph Santos/RSJ, GMA News