Isinugod sa ospital ang 33 mag-aaral ng isang elementary school sa Calasiao, Pangasinan matapos sumama ang pakiramdam makaraang kumain umano ng burger na bituka ng manok ang palaman nitong Huwebes ng umaga.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA News "24 Oras" nitong, sinabing dinala sa Pangasinan Provincial Hospital ang mga naapektuhang mag-aaral ng Nalsian-Bacayao Elementary School.
Pinaniniwalaan na ang inilalakong isaw burger sa labas ng paaralan ang dahilan ng pananakit ng tiyan at ulo, at pagsusuka ng mga bata.
"Okey na po 'yung pakiramdam ko pero yung ulo ko po medyo masakit pa," pahayag ng isang bata.
Ayon sa Pangasinan Provincial Health Office, 33 estudyante ng paaralan ang isinugod sa ospital.
Kuwento ng mga bata, nabili nila sa labas ng paaralan ang burger sa halagang P5 ang isa.
Napasugod naman sa ospital ang mga nag-aalalang magulang.
"Bigla daw po sumakit yung tiyan niya tapos nagsuka nang nagsuka lang," pahayag ni Aprilyn Cervantes, magulang ng isang estudyante.
"Sana mahuli po yung nagbenta kasi hindi naman pupwedeng lahat ng eskwelahan pagbentahan ng ganun," galit na sabi ni Franklin Salinas, lolo ng isa sa mga mag-aaral.
Ipinaliwanag naman ng pamunuan ng paaralan na hindi nila pinapayagan na magbenta sa loob ng eskwelahan ang mga naglalakong nagtitinda. Hinihingan naman daw nila ang healthcard mula sa Municipal Health Office ang mga nagtitinda sa labas ng paaralan.
Gayunman, nang mangyari ang insidente, sinabi ni Leo Zulueta, ang naninita raw ng mga bagong nagtitinda sa labas ng paaralan, nagkataon na wala siya.
Nakikipag-ugnayan na ang pamunuan ng paaralan sa pulisya para sa pagkakakilanlan ng lalaking nagbenta ng isaw burger.
Sa mga estudyanteng dinala sa ospital, 22 pa ang nananatiling nakaratay. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
