Umabot sa halos 60 estudyante ng Panitan National High School sa Capiz ang sumama ang pakiramdam sa kalagitaan ng nationwide earthquake drill noong Huwebes.
Ayon kay Ronilo Tu, principal ng naturang eskuwelahan, posibleng sumama ang pakiramdam ng mga estudyante dahil sa matinding sikat ng araw habang nagsasagawa ng earthquake drill sa eskuwelahan.
Kabilang ang Panitan National High School sa mga eskuwelahang nakilahok sa Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED), na isinagawa upang tiyakin ang kahandaan ng bansa sa isang matinding lindol.
Ayon sa eskuwelahan 30 sa mga estudyante ang dinala sa ospital dahil sa matinding pagkahilo at pagkahimatay.
Ayon kay Tu, ilan sa mga estudyante ay nahirapan sa paghinga, nanikip ang dibdib at nanigas ang katawan.
Inaalam pa aniya ng doktor ng naturang paaralan ang mismong sanhi ng pagsama ng pakiramdam ng mga bata. —ulat mula kay Christopher Yu/ALG, GMA News
