Dumanak ang dugo sa despedida at turnover ceremony sa Teacher's Center ng Department of Education sa Pagadian City nang barilin at mapatay ang isang na-promote na opisyal.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, pinagbabaril ng nakatakas na salarin ang biktimang si Marcom Borongan, na outgoing School Division Superintendent.
Nangyari ang krimen habang isinasagawa ang pa-despedida para kay Borongan na nakatakdang maging Provincial Schools Division Superintendent ng DepEd- Zamboanga del Sur.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa pagpatay.
Sa isang pahayag, kinondena ng pamunuan ng DepEd ang pagpaslang sa kanilang kasamahan.
Nagpaabot din sila ng nakikiramay sa mga naulila ni Borongan, at inutusan ang DepEd-Region 9 na tutukan ang kaso.
Magbibigay rin daw sila ng pinansyal na tulong sa pamilya ng biktima.-- FRJ, GMA News
