Napalitan ng dalamhati ang sana'y masayang family outing nang masawi sa aksidente sa daan ang isang 7-anyos na miyembro ng pamilya sa Zamboanga del Sur.

Tumagilid sa highway sa Pagadian City ang isa sa mga sasakyan ng pamilya, na ikinamatay ng bata.

Iniulat sa "Unang Balita" nitong Miyerkules na pauwi na umano ang pamilya mula sa kanilang outing nang mangyari ang insidente.

Ayon sa ulat, nawalan ng kontrol ang drayber sa isa sa apat na sasakyan sa convoy ng pamilya at dumagilid ito matapos bumangga sa railing ng highway.

Tumilapon umano ang mga sakay nito dahil sa lakas ng impact. Dead on the spot ang 7-anyos na miyembro ng pamilya, habang nasa kritikal na kalagayan ang dalawa pang lulan sa tumagilid na sasakyan.

Nakaligtas umano ang drayber matapos siyang makatalon sa sasakyan. —LBG, GMA News