Isang lalaki ang nasawi matapos barilin habang naghihintay ng masasakyan sa Cebu City. Pero bago ang pamamaril, mayroon umano itong tinulungan na naging biktima naman ng pagnanakaw.
Ayon sa ulat ni Chona Carreon sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, papasok sa trabaho at nag-aabang sa waiting shed sa Barangay Carreta sa Cebu City ang biktimang si Crisanto Amorante nang lapitan at barilin ng suspek na si Rolando Ybañez.
Kaagad na tumakas si Ybañez matapos maisagawa ang krimen pero nadakip din ng mga awtoridad sa follow-up operation.
Pero bago maganap ang pamamaril, sinabi ng mga saksi na may tinulungan pa si Amoranto na naging biktima naman ng pagnanakaw.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may kaugnayan ito sa pagpatay sa biktima.
Ngunit ayon sa suspek na si Ybañez na naaresto sa kaniyang bahay sa Barangay Lorega, may atraso sa kaniya ang biktima kaya niya pinagplanuhang patayin.
"Sumuko ako. Nagsisisi ako sa ginawa ko," ayon sa suspek na hindi na nanlaban nang arestuhin.
Gayunman, hindi nakuha ng mga pulis kay Ybañez ang baril na ginamit sa krimen. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
