Hinihinalang inatake sa puso ang isang drayber kaya nawalan siya ng kontrol sa kanyang minamanehong jeepney na naging sanhi ng isang aksidente sa Padre Garcia, Batangas nitong Linggo ng gabi.

Patay ang drayber ng pampasaherong jeep na si Noel Gerez.

Sugatan naman ang lima niyang mga pasahero na sina Eva Buenaflor, John Eric Sim, Nerissa Reyes, Jenny Raz at Joseph Ilao.

Naganap ang aksidente bandang 8 ng gabi habang ibinibiyahe ni Gerez ang kanyang jeep sa Barangay San Felipe.

Ayon sa pulisya, biglang nawalan ng kontrol sa jeep ang drayber hangang sumalpok ito sa kasalubong na pampasaherong jeepney na minamaneho ni Eusebio de Chavez, na nasugatan din dahil sa aksidente.

Nadamay din sa aksidente ang dalawang owner-type jeep at isang van na nakaparada sa tabi ng kalsada.

Ayon sa mga doktor ng ospital kung saan itinakbo si Gerez at iba pang mga biktima, posibleng inatake sa puso ang drayber. —ulat ni Marlon Luistro/ALG, GMA News