Aabot sa P400,000 na cash donation na nalikom para sa buong linggo ng parokya ang tinangay mula sa isang simbahan sa Cebu City na hinihinalang kagagawan ng isa nilang iskolar.
Sa ulat ni Nico Sereno sa GMA News "Balita Pilipinas," sinabing pagkatapos ng unang misa nitong Lunes nang makita ng isang sakristan ang duguang staff ng simbahan na si Roxanne Valmoria, na binugbog daw ng suspek.
Nangyari ang insidente noong Linggo pa ng gabi, pero Lunes na humingi ng tulong si Valmoria.
"Nandoon ang kolekta. Nagtaka ako kung bakit bukas ang pinto. Tinanong ko si sister kung bakit. Sinabi niya, 'Tulungan mo ako. Dalhin niyo ako sa hospital.' Sabi ko, 'Bakit? Anong nangyari, sister?' 'Hinoldap ako, 'sabi niya," kuwento ng sakristan.
Ayon sa biktima, sapilitan daw kinuha ng salarin ang susi ng steel cabinet na pinaglalagyan ng pera.
"Sinadya niyang magnakaw nang Linggo. Lahat ng collection at income ng buong parokya na 'yun kaya malaki. Kasama na rin ang donation at cemetery funds," sinabi naman ni Monsignor Alfredo Romanillos Jr, team moderator ng St Joseph Patriarch Parish.
Ayon sa ulat, iisa lamang ang guwardiya na naka-duty sa bawat shift sa buong compound ng simbahan, kaya hindi na napansin ang nakawan.
Nagpapagaling na ngayon sa ospital si Valmoria.
Ayon pa sa ulat, tinitingnan ng pulisya ang anggulong inside job sa pagnanakaw, dahil tila kabisado umano nito ang mga pinaglalagyan ng mga CCTV camera kaya hindi nakunan.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang salarin na isa raw iskolar ng simbahan. - Jamil Santos/FRJ, GMA News
