Bistado ang modus ng isang grupo ng mga kawatan ng motorsiklo matapos makunan sa closed-circuit-television camera ang kanilang estilo. Ang grupo, nag-selfie muna habang naghahanap ng pagkakataon para umatake sa mga nakaparadang sasakyan sa isang commercial area sa Biñan, Laguna.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nakunan sa CCTV camera ang galaw ng grupo nitong Lunes dakong 2:00 am.
Sa video footage, makikitang nagkukuhaan ng larawan ang tatlong lalaki gamit ang cellphone. Hindi nagtagal, pumuwesto na ang dalawang lalaki bilang lookout habang isa-isang sinubukang susian ng isa pang salarin ang mga nakaparadang motorsiklo.
Nang mapaandar ang isang nakaparadang pulang motorsiklo, sumakay ang tatlo ang umalis.
Ayon kay kapitan Allan Farcon ng Barangay San Antonio sa Biñan, mga lumang motorsiklo ang target na makuha ng mga kawatan dahil sa lumang modelo lang nagagamit ang master key ng grupo.
Sa tulong ng CCTV, nasundan ang galaw ng grupo at nakitang bumalik pa ang dalawa sa mga kawatan sakay ng bisikleta.
Pero dahil namukhaan sila ng mga tao sa lugar, kaagad silang tumakas palayo pero hinabol na sila ng mga pulis at barangay marshal.
At kahit iniwan na nila ang bisikleta at gumamit ng tricycle, nasakote pa rin ang dalawa.
Ayon sa mga barangay officias, isa sa mga nadakip ay criminology graduate na si Dominic Andaya, 23-anyos, na tumangging magbigay ng pahayag.
Nabawi naman ang ninakaw na pulang motorsiklo pero wala na ang ilang piyesa nito.
"Parang organized na yung kanilang galaw. Kasi may kaniya-kaniyang role, yung sino ang sususi, sino ang spotter sa kanilang modus. Malamang marami na silang nabiktima, ayon kay Police Chief Inspector Mark Rebanal, OIC- Biñan Police.
Nahaharap ang tatlo sa kasong carnapping. -- FRJ, GMA News
