Patay ang isang opisyal ng Department of Education matapos barilin ng mga hindi pa nakilalang salarin sa Guihulngan City, Negros Oriental. Ang lokal na pamahalaan, nababahala na dahil sa dumadaming insidente ng pamamaril sa lungsod.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing binaril sa harap ng DepEd Guihulngan City Division Office ang biktimang si Oscar Asildo Jr., 46-anyos.
Base sa imbestigasyon, kasasakay lang ni Asildo sa kaniyang sasakyan nang lapitan ng mga salarin at pagbabarilin.
Tumakas ang mga salarin sakay ng isang puting kotse.
Si Asildo ang pinakabagong biktima ng halos araw-araw na insidente ng pamamaril sa Guihulngan, ayon sa ulat.
"Ilan na ang nangyayaring pagpatay sa Guihulngan. I am now appealing to both groups, kung sinoman ang gumawa nito, itigil na ninyo 'yan. Because as I have said there is no winner in these incidents," apela ni Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Aminado naman ang Guihulngan City Police, na nahihirapan silang tukuyin ang mga salarin dahil sa kawalan ng saksi sa pangyayari.
Nangako naman ang pamunuan ng DepEd na makikipagtulungan sa pulisya para makamit ang hustisya sa pagkamatay ni Asildo. -- FRJ/KVD, GMA News
