Kalunos-lunos ang sinapit ng bangkay ng isang 17-anyos na babae sa  Mexico, Pampanga. Isang araw matapos siyang ilibing, nakita ang kaniyang labi sa labas ng nitso at hinihinalang pinagsamantahan.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Martes, sinabing punit-punit ang damit ng bangkay ng dalagita at nakahandusay sa layong 20 metro mula sa kanyang puntod.

Napag-alaman na inilibing ang dalagita nitong Sabado matapos pumanaw nang aksidenteng mabagok ang ulo.

Ang ama ng dalagita, labis ang hinanakit sa ginawang paglapastangan sa labi ng kaniyang anak.

Nanawagan siya sa mga awtoridad na dakpin ang lumapastangan sa kaniyang anak.

Ayon sa pulisya, mayroon na silang "person of interest" na nakita pa raw nang ilibing ang dalagita.

"Nagkaroon kami ng suspicion na baka ito ay ni-rape," ayon kay P/Supt. Wilfredo Paulo, hepe ng Mexico police ."Mayroon na tayong person of interest [na] nung araw na inilibing  nandun po siya at tinitingnan daw po yung body."

Hinahanap na ng mga awtoridad ang nasabing tao. -- FRJ, GMA News