Lima ang nasawi, habang 11 ang nasaktan— siyam sa kanila ang malubha ang kalagayan — nang bumangga ang sinasakyan nilang pampasaherong jeep sa isang poste sa Kawit, Cavite.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing naganap ang sakuna sa Centennial Road dakong 6:00 am.
Batay umano kay Police Chief Inspector Dhefry Punzalan, hepe ng Kawit Municipal Police Station, nagpagewang-gewang muna ang jeep na minamaneho ni Emmanuel Genzole bago ito sumalpok sa poste.
Kabilang si Genzole sa mga malubhang nasaktan at patuloy na binabantayan sa ospital.
Hindi pa malaman kung ano ang dahilan kung bakit nabangga ni Genzole ang poste.
Ayon umano sa isang saksi, hindi naman kabilisan ang takbo ng jeep nang mangyari ang aksidente. -- Jamil Santos/FRJ/KVD, GMA News
