Ilang rosaryo na pinaniniwalaang may sumpa ng demonyo ang sinunog sa Cebu City. Samantala, nagsagawa naman ng pag-inspeksyon ang ilang nagtitinda ng religious items sa Davao City para alisin at hindi na maibenta ang mga sinasabing mapanganib na rosaryo.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing isinuko ng mga deboto sa Cebu City ang mga pinaniniwalaang rosaryo na may sumpa ng demonyo at sinunog kasama ng ilang gamit na umano'y pampasuwerte.
Ang mga rosaryo na sinunog ay may palatandaan gaya ng nakasaad sa artikulong lumabas sa website ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.
Sa halip na katagang "INRI" ang makikita sa ibabaw ng krus sa rosaryo, may mga sinag ito ng araw, na kabilang sa mga palatandaan na sinasabing rosaryong may sumpa.
Ang iba pang palatandaan ay ukit umano ng mga tinik at ahas sa likod ng katawan ni Kristo. Sinadya raw na gawing luminous ang satanic rosary para hindi umano madaling mahalata ang kaibahan sa totoong mga rosaryo.
Ang mga mayroong satanic rosary ay maaaring umanong mapahamak dahil mas madali raw masapian ng demonyo, ayon sa chief exorcist ng Diocese of Novaliches Office of Exorcism na si Fr. Ambrosio Nonato Legaspi.
Sa Mary's Little Children Community, marami na raw mga tao ang pumunta sa kanilang center para magpa-counseling at ibigay ang kanilang hinihinalang satanic rosary.
Sa Davao City naman, kaagad na ininspeksyon ng mga nagtitinda ang religious items na kanilang binebenta para matiyak na wala silang satanic rosary.
Si Brandon Roxas, inalis na ang mga tindang rosaryo na pareho raw sa paglalarawan sa satanic rosary.
Paalala naman ni Msgr. Persus Cabunoc, rector ng St. Agustin Cathedral sa publiko, maging alerto sa mga binibigay o binibiling rosaryo lalo na kung hindi batid kung saan ito nanggaling. -- FRJ, GMA News
