Hindi na nakalabas nang buhay sa isang bagong gawang tangke na imbakan ng tubig-ulan ang apat na lalaki sa Lipa, Batangas.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, isang kapatid ng isa sa mga biktima na napadaan sa lugar ang nakatuklas sa bangkay nina Jimuel Dimaculangan, Jose Balboa, Enrique Erolon, at Jasper Balboa kaninang umaga.
Lunes umano ng umaga nang pumasok sa tangke ang mga biktima sa Sitio Barandal, Barangay San Franciso para alisin ang mga kahoy na ginamit sa pagporma sa kontruksyon ng tangke.
"Dumaan ako, mangangabute, sabi ko, 'Tulog pa yata ang mga ito?' Ako'y lumampas. Pagdaan ko sa may butas, sinilip ko, ito'y bukas na. Pagsilip ko, nasilip ko na'y patay, nakalutang na," ayon kay Rufino na kapatid ng isa sa mga biktima.
Mayroong dalawang 30-inch diameter na butas ang nasabing storage tank na may lalalim na tatlong metro. Habang nasa isang metro naman ang taas ng tubig sa loob ng tangke.
Gagamitin daw sa pagdidilig ng mga pananim sa farm ang maiipong tubig.
"Ang posibleng ikinamatay nito is through suffocation na titingnan pa natin kung due to chemicals na maaaring ginamit sa paggawa ng water storage or anything else. Malalaman natin paglabas ng resulta ng autopsy," ayon kay Superintendent Meliton Salvadora Jr, hepe ng Police Lipa City. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
