Patay na nang matagpuan ng mga awtoridad ang mag-live in partner sa loob ng kanilang bahay sa Cebu City. Ang babae, nagtamo ng mga saksak habang may tama naman ng bala ng baril ang lalaki at laslas ang pulso.

Sa ulat ni Chona Carreon sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang mga nasawi na sina Prue-ann Apoli, 48-anyos at Jerson Lawas, 29-anyos.

Nagtamo ng mga saksak sa katawan si Apoli, samantalang may laslas sa pulso at isang tama ng bala si Lawas nang makita sa kanilang bahay sa Barangay Lahug.

Selos ang isa sa tinitingnan anggulo ng mga awtoridad na ugat ng pag-aaway ng magkarelasyon na humantong sa madugong krimen.

Aalamin din ng mga imbestigador kung may kaugnayan sa krimen ang negosyo ng babae sa alahas.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga kamag-anak kaugnay sa nangyari sa dalawa. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News