Napilitan ang mga awtoridad na barilin ang isang lalaking sinabing nag-amok sa simbahan at nanaga pa ng pulis sa bayan ng Salvador Benedicto sa Negros Occidental.
Sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing may sakit umano sa pag-iisip ang suspek na si Danilo Lokiro.
Pero sa kabila nito, kinupkop ng simbahan si Lokiro pero bigla umanong naging agresibo at nanunog pa ng ilang gamit.
Samantala, nauwi naman sa pananaga ang inuman ng magkapatid na sina Virgilio at Celestino Concillo Jr. sa Baybay City, Leyte.
Sa hiwalay na ulat ng GMA News TV "Balitanghali," sinabing nagtalo muna ang magkapatid habang nag-iinuman hanggang sa tagain ni Virgilio si Celstino na dahilan ng pagkamatay ng huli.
Matapos gawin ang krimen, natulog lang ang suspek sa kanilang bahay at doon na siya naaresto ng mga rumespondeng pulis. -- Jamil Santos/FRJ/KVD, GMA News
