Isa ang patay, habang tatlo ang sugatan nang mauwi sa barilan at saksakan ang paniningil ng utang sa gitna ng kalye sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, makikita sa CCTV footage ang komosyon sa isang kalsada sa Cabanatuan City dahil sa paniningil ni Domingo Rigor, empleyado ng isang lending company, sa utang umano ng tricycle driver na si Reynaldo Espidol.
Kinukuha umano ni Rigor ang susi ng tricycle ni Espidol dahil plano niyang "batakin" ang tricycle bilang pambayad-utang.
Pero lumala ang sitwasyon nang habulin ng saksak ng kapatid ni Reynaldo na si Eduardo ang naniningil na si Rigor.
Hindi na nakita sa CCTV ang mga sumunod na pangyayari pero nabaril ni Rigor ang humabol sa kaniya ng saksak na si Eduardo at napatay niya ito.
Nasugatan at nabaril din ni Rigor ang sinisingil niyang si Reynaldo.
Nagtamo naman ng sugat si Rigor at ang kasama niyang naniningil na si Aris Dionisio dahil sa pananaksak umano ng nasawing si Eduardo.
Naisugod sila sa ospital pero tumangging magbigay ng pahayag. -- FRJ, GMA News
