Nakatawag ng pansin sa mga concern citizen ang magkahiwalay na delikadong sitwasyon ng dalawang aso. Ang isa, ginawang back rider sa umaarankadang motorsiklo sa Bulacan.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing nakapatay ang makina at sarado ang lahat ng bintana ng isang kotse kung saan nasa loob ang isang aso.
Ayon sa kumuha ng video, mahigit isang oras nang nasa loob ng kotse ang aso nang sandaling iyon.
Peligro ang sitwasyon ng aso dahil maaari itong ma-suffocate o hindi makahinga lalo kung mainit sa loob ng sasakyan.
Hindi na nalaman kung ano ang nangyari sa aso dahil ayon sa kumuha ng video, wala na ang kotse nang lumabas sila sa mall.
Samantala, nakunan naman ng Youscooper na si Aian Peñas de Guzman
ang isang aso na pilit na bumabalanse habang angkas sa umaarangkadang motorsiklo sa Marilao, Bulacan.
Ang aso, nakatayo sa likuran ng rider, walang tali at hirap na hirap umanong magbalanse.
Hindi nakatiis si De Guzman kaya sinita nila at inireport ang rider nang may makita silang pulis.
Nagmenor lang umano ang rider nang sitsitan ng umano mga pulis pero nagdire-diretso lang sa pag-andar.
Base sa Animal Welfare Act, ang sinumang magmamalupit sa hayop ay puwedeng makulong ng hanggang dalawang taon, at magmulta ng aabot sa P100,000.
Tungkulin din ng may-ari ng hayop na siguruhing komportable ito kapag ibinibiyahe at kumpleto ang mga pangangailangan. -- FRJ, GMA News
