Nakunan sa closed-circuit-television camera ang pamamaril ng riding-in-tandem sa isang tricycle driver sa Bangued, Abra. Ang biktima, mapalad na nakaligtas at naituro sa mga pulis kung sino ang bumaril sa kaniya.
Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera ang biktima na si Benjie Bobias, habang sakay ng kaniyang tricycle.
Hindi nagtagal, isang motorsiklo na may sakay na dalawang lalaki ang bumuntot sa kaniya. Maya-maya lang, tinutukan na ng salarin ng baril ang biktima at pinaputukan.
Nagtamo ng mga sugat sa kili-kili, kamay, dibdib at tenga ang biktima na nagpapagaling na sa ospita.
Ayon sa pulisya, itinuro ng biktima ang bumaril sa kaniya na si Dante Buenafe, na naaresto sa follow-up operation.
"Nakapagsabi at nakapagsalita pa siya na naidentify niya yung bumaril sa kanya na tao at saka yung address nasabi niya," ayon kay Police Chief Inspector Dominador de Guzman Jr, chief of police ng Bangued.
Itinanggi naman ni Buenafe ang alegasyon at sinabing nakikipag-inuman siya kasama ang kaniyang mga kaibigan nang mangyari ang pamamaril.
"Ireklamo ko rin sir dahil inakusahan niya ako sa kasalanang hindi ko naman ginawa," sabi ni Buenafe.
Iimbestigahan pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
