Dalawang bata ang nasawi matapos na malunod sa beach sa Labrador, Pangasinan. Ang isang 18-anyos na lalaki na nagtangkang sumagip sa mga bata, hindi rin pinalad na makaligtas.

Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang dalawang batang nasawi na sina Cyrus Vinluan at Ashley Lontoco, parehong 11-anyos, na nalunod matapos mapunta sa malalim na bahagi ng beach sa Barangay Uyong sa Labrador.

Tinangka naman ni Rommel Gonzales na sagipin ang mga bata pero siya man ay nalunod na rin.

"May nakakita sa kanila na isang minor din na kumakaway na sila't nalulunod na, so ito palang sumaklolo hindi marunong din lumangoy so isa na rin siya doon sa mga biktima na nalunod," sabi ni Police Senior Inspector Joel Cabaddu, hepe ng Labrador Police.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa mga maliligo sa beach na siguruhing may kasamang nakatatanda ang mga bata kung maliligo sa  dagat man, ilog o swimming pool.

Sa San Fabian, Pangasinan,  nasawi rin matapos malunod nitong Linggo ng madaling araw si Carl Steven, 20,anyos, tubong Baguio City.

Malalaki raw ang mga alon sa dagat nang sandaling iton na dahilan ng pagkalunod ng biktima.

"Sa panahon naman ngayon kasi medyo maalon yung ating karagatan malakas yung current so 'yon yung isa sa dahilan kaya nalunod yung ating biktima," ayon kay Police Senior Inspector Denny Torres, Deputy Chief ng San Fabian Police.

Dahil na rin sa malalaking alon, naging pahirapan ang search operation sa biktima, na tumagal ng 12 oras. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News