Isang lalaki na nagpapanggap daw na habal-habal driver sa Mandaue, Cebu ang naaresto at inaakusahang serial rapist. Ayon sa pulisya, apat sa walong naging biktima ang pinag-oral sex umano ng suspek.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes,  kinilala ang suspek na si Riel Ceniza, 37-anyos, na unang naaresto dahil hindi tumigil sa police checkpoint habang sakay ng motorsiklo noong Huwebes ng madaling araw.

Nang masakote, nakita umano kay Ceniza ang isang baril, hinihinalang shabu at walang rehistrong motosiklo.

Tumugma rin ang kaniyang hitsura sa pinaghahanap na serial rapist.

Nang iharap si Ceniza sa walong biktima, positibo siyang kinilala ng mga babae.

Modus daw ng suspek na magpanggap na habal-habal driver at saka dadalhin sa liblib na lugar ang biktima para doon gahasain.

"Nag-violate siya sa Anti-Rape Law pero sa walong biktima niya, yung apat sa pamamagitan ng oral sex," ayon kay Police Chief Inspector Mercy Villaro, hepe ng Women and Children's Protection Desk.

Itinanggi naman ng suspek ang paratang laban sa kaniya na nahaharap sa patong-patong na reklamo. -- FRJ, GMA News