Patay ang isang 20-anyos na estudyante sa Malolos, Bulacan matapos na masaksak nang masangkot sa gulo ang kaniyang mga kaibigan na kagagaling lang sa lamay. Ang dalawa niyang kaibigan, nasugatan din.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang biktima na si John Aljerome Amparo, 3rd year BS Industrial Technology student sa Bulacan State University.

Sa CCTV footage, makikita na nagtatakbuhan noong madaling araw ng Biyernes ang isang grupo ng kalalakihan sa PiƱahan Street, Barangay Look 1st, sa Malolos.

Makikita si Amparo na kabilang sa mga tumatakbo at may tama na pala ng saksak sa tagiliran.

Tinulungan siya ng mga kabarkada at dinala sa ospital pero pumanaw din.

"Napakaraming pangarap sa buhay. Isa pa, pag may sakit ako, 'yan ang nag-aasikaso sa akin. Sinira nila ang lahat ng pangarap. Anong are-areglo? sampung buhay man ang kapalit nila, hindi sapat para sa buhay ng anak ko," naghihinanakit na pahayag ng ina ng biktima na si Juliana Amparo.

Nakalabas na sa ospital ang dalawang kaibigan ni Amparo na sina Kevin John Rivera at isang menor de edad, na mga sugatan din dahil sa nangyaring kaguluhan.

Ayon sa ulat, hindi raw kaalitan ni Amparo ang nakasaksak na suspek, at sa halip ang isang kaibigan ng biktima ang matagal nang alitan ng isang suspek.

Kuwento ni Rivera, kakain sana sila nang lapitan sila ng suspek na si Jonathan Santa Ana, at kasama nitong si Elvin Valdomar.

"Kunwari po makikipagkwentuhan sa amin. Pagharap ko po, pinalo na po ako ng bote," sabi ni Rivera, kaugnay sa pagsisimula ng gulo.

Ayon pa kay Rivera, dati na raw silang may away ni Santa Ana.

Idinagdag ni Rivera na nakita niya si Valdomar na naglabas ng patalim.

Nadakip ng Malolos Police ang dalawang suspek, kabilang ang isang menor de edad.

Isinuko naman ng mga kaanak si Valdomar nitong Lunes.

Binigyan ko sila ng ultimatum na kung hindi sila susuko, magkakaroon sila ng problema saka ang daming witness na siya talaga ang sumaksak," ayon kay Superintendent Heryl Bruno, chief, Malolos City Police.

Pero paliwanag ni Valdomar, "Aabante po ako, biglang may sumulpot sa harap ko na mag-a-attempt na saksakin ako. Nakipagbuno po ako sa kaniya hanggang naagaw ko ang kutsilyo."

Nahaharap sa reklamong homicide at two counts ng frustrated homicide ang mga suspek.

Nasa pangangalaga na ng Malolos City Social Welfare Office ang menor de edad na suspek.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News